Thursday, August 4, 2011

Chivalry Endangered

Scenario 1:     Minsan, galing kami sa fiesta ng officemate namin sa Magallanes, Cavite. Sakay kami sa kotse ng boss namin. May naunang sasakyan sa amin at malayo ito sa amin. Pero dahil mabilis ang takbo namin, naabutan namin ito. At laking gulat namin dahil may isang magandang babae, sexy, long hair, naka-red na blouse at blue jeans na nakaupo sa  hagdan sa may estribo ng jeep. Nagtataka kami kasi mabilis din naman ang takbo ng jeep at nakaporma ang babae na ito. Bakit sya nakaupo sa me estribo? Sabi ng officemate ko na tag-roon sa lugar, ganun daw talaga pag puno na ang jeep, pinauupuan na ang entrance ng jeep, konti lang daw kasi ang nabyahe. Pero kung titingnan mo ang loob ng jeep, may mga lalaki na maayos na nakaupo sa loob nito. Bakit walang nag-offer ng upuan nya sa kawawang magandang babae?
Scenario 2:     Isang gabi sa paguwi ko mula trabaho, nahirapan ako sumakay ng jeep dahil bihira ang bumibyahe sa dahilang di ko alam. Kaya naman siksikan at unahan sa pagsakay ang mga tao. At nung nakasakay na ako (sa wakas!), madaling napuno ang jeep at kung kaya ang isang college student na ito ay napilitang bumitin na lang sa jeep. Dahil may dala syang clutch bag at dalawa pang plastic bag, nagmagandang-loob ako na pansamantalang hawakan muna ang mga bitbit ny para makakapit syang maayos. Ang estudyanteng ito, ay parang nagulat at nagtaka sa gesture ko. Natigilan sya at tumanggi sya at sabi nya ok lang daw sya. Ha? Ni-reject ang pagtulong ko? Hayun, hirap na hirap syang bitbitin ang mga dala nya sa isang kamay habang nakakapit ang isang kamay sa estribo. Di ko na inulit ang offer ko kasi baka mareject na naman ako. Naisip ko, mukha bang dudukutan ko ang gamit nya para di tanggapin ang tulong ko o ignorante sya na me ganitong kultura ang mga mananakay ng jeep?
 Scenario 3:     Noong galing kami sa isang training sa Manila ng officemate ko, nagtaxi kami papunta sa Buendia sa terminal ng bus pa-Lucena. Madami kami dala dahil bukod sa maleta, may laptop at shoulder bag pa kami pareho. Kaya hirap kami sa pagbababa ng gamit mula sa taxi. May isang mama na patakbo kami nilapitan at tinulungang magdala ng gamit namin sa bus. Matutuwa na sana ako at handa na magpa-thank you nang biglang sumahod sya at humingi ng bayad. Ha, si Mang Gustin ka ba, ang superhero na pwedeng arkilahin?
     Sa mga ganitong pagkakataon, maiisip mo, bakit nga ba bihira na ang mga lalaki na nag-ooffer ng upuan sa bus kahit may mga babaeng nakatayo sa gitna nito. Kung kaya nga sobra akong natutuwa sa tuwing may nagmamagandang-loob magpaupo sa mga babaeng nakatayo sa bus, o sa jeep o sa simbahan. O kaya naman e ako na ang nagpapasiksik sa bus sa nakatayong babae kahit na 2-seater lang ang kinauupuan ko. Maaring sasabihin ng iba na unfair ako na itreat ang mga lalaki. Hindi naman. Kasi naiinis din ako sa kapwa ko babae na hindi man lang umusog para makaupo nang maayos ang sumasakay sa jeep kahit na matanda pa ito. At sa mga babae na di mo man mapakisuyuan na iabot sa driver ang bayad mo. Ganun na rin sa mga babae na hindi naman marunong magpasalamat sa mga nagpapakagentleman sa kanila. Bakit nga ba ganun na ngayon?
    Dati kasi nung bata pa ako, bihira pa ang sasakyan, marami ang sumasabit na lalaki sa jeep. Ang mga babae ang halos lahat na nakaupo. Nakakahiya pa nga ata kung ikaw lang ang lalaking nakaupo dun. At ang babae na nasa loob, kakilala ka man o hindi ang magiging tagapaghawak ng gamit na dala ng lalaking nakabitin. Walang pagaalala na baka hindi na ibalik ang gamit nya. Nag-aagawan na nga ata sa pasahero ang mga jeep kaya bihirang mapuno at umawas ng tao kaya di na rin nasanay sa ganitong set-up nag mga lalaki lalo na ang kabataan ngayon. At dati mura pa ang pamasahe kaya ngayon, mas gusto i-enjoy ng mga tao ang binayaran nilang pamasahe sa bus lalo na kung aircon ito. Bakit nga ba sila magtitiis na tumayo e bayad na sila at nauna silang sumakay. Isa pa, kelangan nila matulog sa byahe kasi maaga sila gumising para pumasok sa trabaho.
     Dati rin, ang mga lalaki kahit tambay sa kanto lang ang gawain sa maghapon, kung may makita silang ale na maraming dala una-unahan sila sa pagtulong. Pagtulong. Hindi pagkakargador na me kapalit na bayad. Sa eskwelahan ko natutunang Good Moral at Right Conduct o GMRC na unang lecture sa umaga. Ngayon ba may ganito pa rin? Bakit kaunti na lang ata ang boyscouts at girl scouts? Hindi ba ito requirement? O hindi lang siguro naisasabuhay ang itinurong "laging handa"? Naturuan pa ba ng mga magulang ang mga anak nila ng ugaling makatulong sa kapwa. O baka di siguro nila nakikita sa mga magulang nila ang ganito? 
At ito ang narealize ko. Na marami sa mga kabataan ngayon ang di talaga naturuan ng tamang paraan ng pagiging gentleman. Marami akong mga brothers sa community na may kakulangan sa gentlemanly ways. Dahil totoong hindi nila alam kung paano. Di nila alam na kailangang pagbuksan ng pinto ang mga babae, girlfriend man nya ito o hindi. Na dapat mauna sa kanya sumakay ng jeep ang babae at sa pagbaba naman e dapat mauna sya para maalalayan nya sa pagbaba ang babae. Na kailangan pala nilang tulungan sa mabigat na bitbitin ang mga babae. Na dapat nasa danger zone sila pag magkasabay sila naglalakad sa malapit sa kalsada at hahawakan sa siko ang babae pag tatawid ng kalsada.Kung kaya di ko pwede husgahan na ungentleman ang mga lalaki ngayon dahil sa totoo lang marami sa kanila e ignorante dito. Kaya naman sa community namin, sinisikap ko na turuan ang mga brothers tungkol dito. Alam kong minsan ay na-ooffend sil sa akin pero iniisip ko kasi na para rin sa kanila yun. Di ba't mas kaibig-ibig ang lalaking gentleman at hindi lang pogi points ang nadedevelop sa kanila kundi kagandahang asal din na pwede nila ituro sa mga magiging anak nilang lalaki. Baka kasi dumating ang time na magkanya-kanya na lang tayo sa mundo. Walang pakialaman. Muli sanang mabuhay ang bayanihan sa ating mga Pilipino.


     Hep! Tayo namang mga babae, matutong magpasalamat sa mga small gestures of kindness na binibigay sa atin. Minsan kasi nakasimangot tayo  at nagtataray kaya lalo tayo di bigyan ng free seats. Isa pa, wag tayo maarte pag may nagnanais tumulong sa atin, kailangan bang gwapo pa ang tumulong sa atin sa pagtawid sa lansangan. At isa pa, sa mga may boyfriend naman, please naman, wag nyo namang ipabitbit sa nobyo nyo ang shoulder bag nyo kung hindi ka naman mababalian ng buto sa gaan nito lalo na kung ladies bag at me kulay pa ito. Minsan nakasukbit pa ito sa balikat nila. Masagwa tingnan ito sa kanila.Gusto natin ng gentleman, hindi ng lady.  Pinagmumukha nating alangan ang katayuan ng mga partners natin. Ok lang kung kasinglaki ng unan ang bag  mo at superbigat nito at kung may anak kayo at kailangan talagang sya magdala ng bag mo.


Sa ganang akin, pipilitin ko na lang na turuan ang mga taong malalapit sa akin. Mahirap kasing pumuna nang pumuna sa ibang tao kasi maaaring hindi lang sila talaga na-train sa ganito. Sabi ko sa sarili ko, pag nagkaanak ako tuturuan ko sya na unahin ang kapakanan ng iba bago sya para tumimo sa kanya ang tunay na kahulugan ng bayanihan. Alam kong higit na makakatulong sa akin ang asawa ko. Proud ako kasi me gentleman akong asawa.Di ako natatakot na mauubos na ang mga chivalrous men sa mundo. Tiwala din ako sa community namin kasi nakikita ko na ang mga SFCs at YFCs ay may ganitong magandang character. Alam kong dadami pa ang lahing marunong sa bayanihan.  

No comments:

Post a Comment